
SUPORTADO ng NEDA o National Economic and Development Authority ang ganap na pagsasabatas ng “single-use plastics”, ipagbabawal sa bansa at paglalaan ng pondo para sa pagsasaayos ng waste management.
Ang panawagan ng NEDA ay bilang paghahanda sa inaasahang pagiging “upper-medium-income economy status” ng Pilipinas sa 2025. Ikinababahala kasi ng ahensiya at ng mga eksperto na lolobo ang plastics waste na naiipon ng bansa kada araw sa 194,138 metric tons sa taong 2055 mula sa kasalukuyang 7,400 metric tons.
Mismong DENR o Department of Environment and Natural Resources na ang nagsabi na magiging malaking problema ang “single-use plastics” sa hinaharap kaya kailangan na itong mabigyan ng karampatang mga polisiya at pagkilos.
Ayon sa World Bank dahil sa “sachet economy” o pagbili ng tingi-tingi ay napakaraming basura ang naiipon mula rito na umaabot sa 2.7 million metric tons bawat taon. Ang mas malala pa, nasa 20% ang napupunta sa ating mga dagat at karagatan.
Sa kasalukuyan ay nakabinbin sa House of Representatives ang House Bill No. 26 at HB No. 4102.
Nakapaloob sa HB No. 26 o ang Unnecessary Plastic Products Regulation ang pagbabawal sa production, importation, sale, provision, at paggamit ng single-use plastics. Habang sa HB 4102 o excise tax on single-use plastics ang pagbabayad ng Php 100.00 pesos sa bawat kilo ng single-use plastics na manggagaling sa Bureau of Customs at mismong lugar ng produksyon nito.
Ipinaalam ng NEDA na ngayon pa lamang ay nakikipagtulungan na sila sa pribadong sektor at sa international community para palakasin ang sustainable and green investments.
Kabilang dito ang pagbuo ng Philippine Action Plan for Sustainable Consumption and Production na nagsasaad ng implementasyon ng Republic Act No. 11898 o ang extended producer responsibility act o pag-uutos sa pribadong sektor ng responsibilidad sa full life cycle ng isang plastic.
Naglabas din ang DENR, katuwang ang United Nations Development Program Philippines ng isang National Plan of Action for the Prevention, Reduction and Management of Marine Litter na humihikayat sa mga MSMEs o micro, small and medium enterprises kaugnay sa sustainable consumption and production.