Home METRO P83.7 ismagel na yosi nakumpiska sa Bulacan

P83.7 ismagel na yosi nakumpiska sa Bulacan

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P83 milyon halaga ng ismagel na sigarilyo ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon sa isang warehouse sa Bocaue, Bulacan nitong Huwebes.

Ayon sa BOC, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), katuwang ang Philippine Coast Guard-Task Force Aduana at Criminal Investigation and Detection Group, ang nasabing bodega kung saan nadiskubre nila ang nasa 717 mastercases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.

Nadiskubre rin ang anim na trak na may kargang kahalintulad na kontrabando.

Sinabi ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na sinelyuhan nila ang bodega pagkatapos ng operasyon, na may buong imbentaryo na nakabinbin upang matukoy ang pinal na halaga ng mga item.

Pinuri ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang mabilis na pagtugon at nagbabala sa mga smuggler na nananatiling matatag ang ahensya sa pagpapatupad ng batas. JAY Reyes