Home NATIONWIDE P83B drug haul ibinida ni PBBM: Malapit sa kabuuan ng nasamsam sa...

P83B drug haul ibinida ni PBBM: Malapit sa kabuuan ng nasamsam sa Duterte admin

322
0
Pinangunahan ni RD Director III Bryan Babang ang pagsira sa drug at non-drug evidence at expired na mga gamot sa thermal facility ng Heaven's Gateway Chapel, sa Brgy. Campetic, Palo, Leyte.Sinira rito ang nasa 58,930.0371 gramo ng Methamphetamine hydrochloride na may market value na P400,724,252.96; 0.1123 gramo ng Marijuana na may market value na P13,486; at P9,871.6 halaga ng assorted expired medicines. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – IBINIDA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may P83 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa kanyang termino, halos kapareho ng halaga na nasamsam na ilegal na droga sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

“Sa mga isinagawang pagsakote sa mga bodega’t laboratoryo, at tangkang pagpasok, halos walumpu’t tatlong bilyong pisong halaga ng droga ang nakumpiska. Kamakailan lamang, may mga malalaking kargamento na nagkakahalaga ng bilyon-bilyon ang nasabat natin sa Zambales, Pangasinan, Cagayan, Tondo, Muntinlupa, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Cebu, Batangas, Rizal, at Cavite,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA 2025) sa Batasang Pambansa sa Quezon City, araw ng Lunes, Hulyo 28, 2025

“Sa tatlong taon lamang, halos mapantayan na ang kabuuang huli noong nakaraang administrasyon,” dagdag na wika nito.

Ibinida rin niya na 53,000 na suspek ang naaresto sa anti-drug operations ng gobyerno kabilang na ang 9,000 high-value targets. Kasama rito ang 677 government officials, kung saan 100 ang elected officials habang 50 naman ang mga police officers.

Sa kabila nito, sinabi ng Pangulo na hindi pa rin tapos ang laban ng pamahalaan sa ilegal na droga at iba pang krimen gaya ng kaso ng ‘missing sabungeros.’

“Patuloy ang ating mga operasyon laban sa mga drug dealer, big-time man o small-time. Ang puwersa ng ating kapulisan ay nagbabantay at rumuronda para nararamdaman ng taumbayan,” ang sinabi ng Pangulo.

“Nagtutulungan ang buong pamahalaan para lutasin ang mga kaso ng mga nawawala dahil sa walang pakundangang kagagawan ng mga sindikato sa likod ng madilim na mundo ng mga sabungan. Hahabulin at pananagutin natin ang mga utak at mga sangkot, sibilyan man o opisyal. Kahit malakas, mabigat, o mayaman, hindi sila mangingibabaw sa batas,” aniya pa rin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here