ZAMBOANGA CITY – Naharang ng Naval Command forces ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P9 milyon patungo sa munisipyo ng Ipil, lalawigan ng Zamboanga Sibugay sa karagatan ng Panamao, Sulu noong Miyerkules, Setyembre 24.
Nagsasagawa ng seaborne patrol ang mga tauhan ng Naval Command sakay ng BRP Hermenegildo Yurong (PG906) nang harangin nila ang motorized banca na MFB Ghazi.
Napag-alamang may karga ang bangka ng 160 master cases ng undocumented foreign-brand cigarettes na nagkakahalaga ng P9 milyon.
Ang barko ay pinamamahalaan ng limang indibidwal mula sa Olutanga, Zamboanga Sibugay, at Isabela City, Basilan.
Ang sasakyang pandagat at mga kontrabando ay nakuha ng PG906 at inihatid sa Naval Station Romulo Espaldon sa Bagong Calarian, Zamboanga City, para sa dokumentasyon, imbestigasyon, at pag-turnover sa kinauukulang awtoridad. RNT/MND