Home HOME BANNER STORY Paalala ng DOH para sa ligtas na Undas, alamin

Paalala ng DOH para sa ligtas na Undas, alamin

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang publiko na sundin ang mga hakbang sa kalusugan at kaligtasan kapag bumibisita sa mga sementeryo ngayong All Saints’ Day at All Souls’ Day o “Undas.”

Inilagay din nito ang mga ospital at pasilidad ng kalusugan sa rehiyon sa “code white alert” mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 5 para sa halalan sa barangay at taunang pagdiriwang ng “Undas.”

Nangangahulugan na ang “code white alert” sa kahandaan ng mga manggagawa ng bawat ospital at pasilidad ng kalusugan na sa anumang sitwasyong pang-emerhensiya at magbigay ng mga  kinakailangang serbisyong pangkalusugan.

Ito ay sa gitna ng inaasahang mga kaganapan dahil sa pagsasama-sama ng mga tao sa mga itinalagang presinto at sementeryo, at maging ang mga nasa biyahe dahil sa bakasyon, ayon kay Dr. Ariel Valencia, DOH-Calabarzon regional director.

Tiniyak ng DOH-Calabarzon sa publiko na naka-standby ang lahat ng health personnel sa disaster risk reduction management offices sa mga local government units at ospital.

Ayon sa DOH, ang Operation Center/One Hospital Command (OPCEN/OHCC) ay ikakasa at pananatilihin ng 24 oras araw-araw sa nasabing panahon.

Nagbigay ang ahensya ng mga numero ng telepono para tawagan – 09456372023; 09283544498; 4920000 local 4446-4447 – kung sakaling may emergency sa kalusugan.

Tungkol naman sa kaligtasan sa kalusugan, nagpaalala ang DOH-Calabarzon sa wastong paghahanda ng mga pagkain na dadalhin.

Iwasan na magbalot ng perishable food, ayon pa sa ahensya na nasa listahan ng public health safety na naka-post sa kanilang Facebook page.

Nagbabala rin si Valencia laban sa food-borne diseases o food poisoning dahil sa infectious agents (bacteria, viruses, parasites) at non-infectious agents (chemicals, animal and plant toxins).

Hinimok din ng DOH-Calabarzon ang publiko na gumamit ng insect repellent para maiwasan ang kagat ng insekto.

Tiniyak ng DOH-Calabarzon sa publiko na naka-standby ang lahat ng health personnel sa disaster risk reduction management offices sa mga local government units at ospital. Jocelyn Tabangcura-Domenden