MANILA, Philippines – Naglabas ng bagong panuntunan ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa pabahay ng mga overseas Filipino workers (OFW) na mas pinadali at pinagaan.
Ito ay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program, kung saan magiging kuwalipikado ang mga migranteng manggagawa anuman ang klasipikasyon ng kanilang sahod.
Ang bagong panuntunan ay malugod na tinanggap ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac sa ilalim ng Pag-IBIG Fund End-User Home Financing (EUF), na nakikita niyang paraan para makamit ng mga OFW ang pangarap nilang sariling bahay.
Batay sa Item IV, Number 2 ng Pag-IBIG Fund Circular No. 473 na inilabas noong Hulyo 10, kuwalipikado na ang mga OFW sa housing program kahit ano pa ang “decile classification” ng kanilang kinikita.
Layon nito na mabigyan ng mas murang home financing options ang mga migranteng manggagawa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)