BAYOMBONG, Nueva Vizcaya — Positibo sa ipinagbabawal na droga ang isa sa limang nadakip na miyembro ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 na sangkot sa pangongotong, matapos makumpirma ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sa isinagawang drug test.
Ayon kay PCol. Paul Bometivo, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, nagpositibo ang isa sa mga personnel kung saan nakuha mismo ang isang pakete ng iligal na droga at mga paraphernalia.
Samantala, napag-alaman na may mga dokumento para sa tatlong baril na dala-dala ng mga suspek, subalit personal umano ang mga ito at hindi issued ng LTO.
Kinumpirma rin ni Police Major Randy Velarde, Hepe ng Bambang PNP, na positibo sa shabu ang narekober, gayundin ang shabu residue sa tube pipes na nakuha mula sa bag ng isa sa mga suspek, base sa pagsusuri ng Forensic Unit ng PNP sa Santiago City.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, at karagdagang kaso sa paglabag sa RA 9165 ang suspek na nagpositibo sa droga, partikular sa Section 11 at 12.
Matatandaan na ang limang LTO personnel ay nahuli sa entrapment operation dahil sa reklamo ng pangingikil noong Lunes ng gabi, September 1, sa Bambang, Nueva Vizcaya. (Rey Velasco)