MANILA, Philippines – Isang pabrika ng tsinelas ang nilamon ng apoy na nauwi sa pagguho ng gusali hanggang sa nadamay pa ang limang sasakyan sa Brgy Biclatan, General Trias City, Cavite.
Ayon sa report nitong madaling-araw ng Sabado, Hulyo 11, ay nasunog ang nasabing pabrikang pag-aari ng Zhang Global Development Inc., isang pabrika ng tsinelas.
Mabilis nanang nakaresponde ang mga awtoridad sa lugar at nadatnan nila na kasalukuyang nilalamon ng apoy ang nasabing gusali na naging resulta ng pagguho nito.
Nagsagawa ng fire suppression operation ang mga bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pamumuno ni SFO1 Maximo Gahisan Jr. kasama ang 16 na personnel.
Sa paunang imbestigasyon ng BFP, lumalabas na nagsimula ang sunog sa storage area kung saan nakatambak ang mga tsinelas.
Habang nagpapatuloy ang sunog, bumagsak ang gusali at nadamay ang katabing repository area na pinagparadahan ng limang repossessed na sasakyan ng China Bank Savings.
Kabilang sa mga napinsala ang apat na Hyundai H100 van at isang Hyundai passenger car.
Dakong alas-5:36 ng umaga ay idineklara ng BFP na kontrolado na ang sunog at ibinaba ito sa Second Alarm status.
Patuloy namang inaalam ng Bureau of Fire Protection ang eksaktong pinagmulan ng sunog, sanhi ng insidente, at kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian.
Patuloy rin ang assessment sa lugar ng naging pinsala sa establisimyento na pag-aari ng isang foriegn national.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. MARGIE BAUTISTA