MANILA, Philippines – Sinabi ng PAGASA na maaapektuhan ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang Mindanao habang ang mainit na hanging silangan o easterlies ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa.
Dahil dito, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Mindanao, Leyte, Southern Leyte, Eastern Samar, at Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na kung lalakas ang ulan.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon, na may panaka-nakang ulan o thunderstorm. Bagaman saglit lang ang buhos, posible pa rin ang pagbaha at landslide kung lalakas ang bagyo ng ulan.
Inaasahang banayad hanggang katamtaman ang ihip ng hangin sa Luzon, Visayas, at Mindanao, habang magiging kalmado hanggang katamtaman ang karagatan. RNT