Bulacan- Isang bangkay ng lalaking payat ang natagpuang nakahandusay ng mga awtoridad sa bayan ng San Ildefonso sa Purok 1, Brgy. Poblacion nitong Mayo 14 ng umaga.
Sa report ng San Ildefonso police station, ang bangkay ay tinatayang nasa edad 55-60 taong gulang, may taas na aabot sa 5’5″, nakasuot ng itim na damit at itim na saluwal nang matagpuan.
Ayon sa nag-ulat sa mga awtoridad, inakala niyang natutulog lang ang lalaki na madalas makita sa paligid ng barangay at hinihinalang may sakit sa pag-iisip.
Nang mapansing hindi na ito kumikilos ay agad niya itong ipinaalam sa mga awtoridad na batay sa kanilang pagsusuri ay walang panlabas na sugat at pinaniniwalang “natural death.”
Anumang impormasyon na makakatulong upang makilala ang pagkakakilanlan o pamilya ay maaaring makipag-ugnayan sa naturang istasyon ng pulisya na may numerong 0998-598-5394. Dick Mirasol III