Home METRO Misis binaril ng mister na nagselos sa ex!

Misis binaril ng mister na nagselos sa ex!

SAN MARIANO, Isabela- Hanggang sa ngayon ay nakikipaglaban pa rin kay kamatayan kung kaya’t kinailangang ilipat sa mas malaking pagamutan ang isang misis matapos barilin ng seloso nitong mister na Aeta sa Buyasan, San Mariano, Isabela.

Una rito, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa na nauwi sa pamamaril matapos umanong magselos ang mister nito.

Ayon kay Dr. Janette Leandro, duty doctor ng San Mariano Provincial and Medical Hospital kung saan unang isinugod ang biktima, kailangang masuri nang mabuti ang tinamong tama ng baril sa kamay ng biktima dahil ito ay tumagos kaya kailangang ipasuri sa isang surgeon.

Ayon sa biktima na si Sharon Infiel, sinabi niya na baril ng kaniyang ama ang ginamit ng kanyang asawa sa pamamaril dito.

Nagseselos kasi umano ang mister nito sa dati niyang kasintahan na siyang dahilan ng mainit nilang pagtatalo na nagresulta para kuhanin ng suspek ang baril sa bahay ng tatay nito at pinaputukan ang biktima.

Noong una, akala umano ni Sharon na nagbibiro lamang ang kaniyang mister nang pinagbantaan siya nito na siya ay babarilin.

Hanggang sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ng pulisya ang mister nitong suspek. Rey Velasco