COTABATO CITY- Wala pa ring pagbabago sa tuwing halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil paulit-ulit pa rin ang problema sa katatapos na midterm elections, nitong Lunes.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), kabilang sa mga naitalang insidente ang mga aberya sa vote-counting machines (VCMs), pagkaantala ng pagboto, at mga ulat ng pandaraya at karahasan sa ilang lugar sa rehiyon.
Sa kabila ng mga hakbang ng Comelec upang mapabuti ang proseso ng halalan, nananatili pa rin ang mga hamon sa pagpapatupad ng maayos at mapayapang eleksyon sa BARMM.
Sinabi ng Comelec, patuloy ang kanilang pagsusuri sa mga insidente upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang para maiwasan ang pag-ulit ng mga ito sa mga susunod na halalan. Nanawagan din ang ahensya sa mga lokal na opisyal at mamamayan na makipagtulungan upang mapanatili ang integridad ng halalan sa rehiyon.
Batay sa report ng Independent Election Monitoring Center (IEMC), maraming insidente sa BARMM gaya ng karahasan, awayan, pangha-harass, vote-buying, at flying voters.
Sa Buluan, Maguindanao del Sur, arestado ang ilang kalalakihang may dalang high-powered firearms.
Pinaniniwalaang kasama ng grupo ang mahigit 50 katao na umano’y mga flying voters. Sa hiwalay na ulat, kinumpirma ng Police Regional Office-BARMM na 64 na flying voters ang na-intercept ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar, kung saan nakumpiska rin ang mga baril at granada.
Naitala rin ng IEMC ang ilang insidente ng indiscriminate firing, rambulan, at pananakot sa iba’t ibang lugar sa Maguindanao del Sur. Ayon kay Atty. Benedicto Bacani ng Institute for Autonomy and Governance, kulang ang mga election officers na maaaring rumesponde sa dami ng insidente. Mahirap din umano silang maabot dahil abala sa pagsasaayos ng mga problema.
Sa Cotabato City, arestado ang grupo ng kalalakihang may dalang metal bats na umano’y nananakot sa mga botante. Sa Rosary Heights 5, sumiklab ang riot sa pagitan ng mahigit 40 katao mula sa magkalabang grupo.
Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang kandidato sa konseho, sa pamamaril sa Bayang, Lanao del Sur. Ayon sa IEMC, ang mga kaguluhan ay bunga ng presensya ng mga loose firearms at armado’t organisadong grupo na patuloy na ginagamit upang manakot ng botante at mga election worker.
Sa Datu Odin Sinsuat, na nasa ilalim ng Comelec control, naantala ang pagbubukas ng mga presinto ng kalahating araw matapos harangin ng isang grupo na pinamumunuan ng kandidatong vice mayor ang delivery ng election paraphernalia.
Umiikot sa social media ang mga larawan at video ng rambulan sa Maguindanao del Sur at Lanao del Sur kahit may presensya ng mga pulis at sundalo. Sa ilang paaralan, nauwi sa suntukan ang bangayan ng mga tagasuporta ng mga kandidato.
Sa South Upi, ilang katutubong botante ang hindi na bumoto dahil sa mga putukan.
Naitala rin ang talamak na vote-buying. Sa Talitay, Maguindanao del Sur, arestado ang isang lalaki na may dalang mga coupon para sa umano’y ayuda. Sa Parang, Maguindanao del Norte, ilang botante ang nabigyan ng claim stubs na maaari raw mapalit sa halagang ₱5,000 matapos bumoto.
Hinimok ng IEMC ang Comelec at security forces na paigtingin ang pag-aksyon sa mga kahina-hinalang grupo at indibidwal sa paligid ng mga presinto. Iginiit nilang kailangang baguhin ang mga patakaran upang labanan ang money politics at pananakot na sumisira sa malayang pagboto ng mga mamamayan. Mary Anne Sapico