Home NATIONWIDE Pabuya sa ‘missing sabungero’ informant tiniyak ng DOJ

Pabuya sa ‘missing sabungero’ informant tiniyak ng DOJ

Tutuparin ng gobyerno ang pangako nito na ibigay ang pabuya sa sinuman na makapagbibigay ng impormasyon para agad maaresto ang mga wanted na suspek kabilang na ang kaso ng nawawalang sabungero.

Kasunod ito ng naganap na pulong ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kay National Bureau of Investigation (NBI) director Medardo de Lemos at Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 4-A chief Col. Jacinto Malinao Jr.

Ayon kay Remulla tinalakay sa pulong kung paano ipagkakaloob ang pabuya sa mga nagsilbing asset kaya naaresto ang mga pinaghahanap na suspek sa mga kaso.

Magugunita na inanunsyo kamakailan ng DOJ ang ₱6 milyon na reward sa pag-aresto sa mga suspek sa missing sabungeros.

Nitong Sept. 15 nadakip ang mga suspek na sina Julie Patidongan alyas  Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnry Consolacion, Virgilio Bayog at Gleer Codilla.

Naaresto ang mga ito sa ikinasang operasyon ng CIDG-Calabarzon sa Jackielou Village at Fortunata Village.

Posible rin magbigay ng reward ang pamahalaan sa police unit o sa civilian asset na makapagtuturo sa pinagtataguan ng mga suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. Teresa Tavares

Previous articleJoint task force itinatag sa cyberattack probe sa PhilHealth
Next articleDrug den sa Cagayan, sinalakay