Nagpulong si Senadorial candidate Manny Pacquiao kina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro sa Malolos City noong Mayo 6, 2025. Pormal na inendorso ng Bulacan political bloc ang muling pagtakbo ni Pacquiao sa Senado, bilang pagkilala sa kanyang adbokasiya para sa kaunlaran ng kanayunan, kontrol sa pagbaha, at abot-kayang serbisyong pampubliko. Nangako si Pacquiao na isusulong ang lokal na imprastruktura, reporma sa sektor ng tubig, at paglikha ng trabaho sa Bulacan upang palakasin ang ekonomiya ng Gitnang Luzon.
MALOLOS CITY, BULACAN – Lalo pang lumakas ang kampanya ni dating Senador Manny Pacquiao para sa Senado ngayong 2025 matapos siyang pormal na suportahan nina Bulacan Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro sa isang pulong sa Malolos.
Nangako ang Bulacan political bloc na paiigtingin ang kampanya para kay Pacquiao sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga lokal na lider at botante, bilang pagkilala sa kanyang maka-taong polisiya at adbokasiyang tumutuon sa pag-unlad ng kanayunan.
“Ang sinusuportahan namin ay lider na may malasakit sa mga tao at may tunay na hangaring pagandahin ang buhay sa mga probinsya,” pahayag ni Gov. Fernando.
Pagtugon sa mga Lokal na Isyu: Baha, Tubig, at Kalamidad
Tinalakay sa pulong ang mga pangunahing suliranin sa Bulacan gaya ng pagbaha, problema sa suplay ng tubig, at ang pangangailangan ng mas mahusay na paghahanda sa mga kalamidad at modernisasyon ng imprastruktura.
“Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa tiwala nina Gov. Fernando at Vice Gov. Castro,” ani Pacquiao. “Malaki po ang potensyal ng Bulacan. Kailangan lang natin ng sapat na suporta mula sa gobyerno para tuluyang umangat ang buhay ng bawat Bulakenyo.”
Binigyang-diin ni Pacquiao ang kahalagahan ng pamumuhunan sa modernisasyon ng mga dam at flood control systems.
“Kailangan nating gamitin nang tama ang tubig na dumadaloy tuwing tag-ulan—imbes na bumaha, dapat mapakinabangan ito ng mga magsasaka at residente. Dapat may updated na disaster preparedness plan at dagdag na early warning systems upang maiwasan ang trahedya,” paliwanag niya.
Sinusuportahan din niya ang konstruksyon ng elevated coastal highways na mag-uugnay sa Central Luzon at Metro Manila, na aniya’y makakatulong upang mapabilis ang daloy ng kalakalan at transportasyon.
Mariing tinutulan ni Pacquiao ang patuloy na pribatisasyon ng mga pangunahing serbisyo tulad ng tubig.
“Matagal ko nang tinututulan ang pagpapasa ng serbisyong pampubliko sa pribadong sektor. Tubig ‘yan—dapat gobyerno ang nangangasiwa para matiyak na abot-kaya at maayos ang serbisyo para sa lahat ng Pilipino,” giit ni Pacquiao.
Inihain din niya muli ang panukala para sa pagtatatag ng Department of Water Resources.
“Kailangan natin ng ahensyang may malinaw na mandato sa lahat ng usaping may kinalaman sa tubig. Sa ganitong paraan, mas magiging mahigpit ang regulasyon at pananagutin ang mga kumpanyang hindi tumutupad sa kasunduan,” dagdag niya.
Kanayunan ang Pagtutuunan: Kabuhayan, Bahay, at MSMEs
Ibinahagi ni Pacquiao ang kanyang pananaw na ang pag-unlad ay hindi dapat sentralisado sa Metro Manila.
“Panahon na para ilapit ang pag-unlad sa kanayunan. Paluwagin natin ang Metro Manila, at paunlarin ang mga lalawigan. Magpatayo tayo ng bahay para sa mga pamilyang walang sariling tirahan, bigyan sila ng kabuhayan, at turuang magnegosyo,” ani Pacquiao.
Binigyang-pansin niya ang papel ng MSMEs sa ekonomiya ng Bulacan—ang pinakamalaking ekonomiya sa Central Luzon na may 27.2% ambag sa ₱631.64 bilyong GRDP ng rehiyon.
“Ang MSMEs ang gulugod ng ekonomiya ng Bulacan. Dapat palakasin ito ng gobyerno. Bigyan ng tirahan at pagsasanay ang mahihirap. Bigyan sila ng pagkakataon na umangat. Protektahan natin ang kabataan sa pamamagitan ng dekalidad na edukasyon,” wika niya.
Binigyang-diin din ni Pacquiao ang kahalagahan ng New Manila International Airport, at ang direktang benepisyo nito sa mga mamamayan ng Bulacan.
“Ang mga malalaking proyekto gaya ng bagong paliparan ay dapat makinabang ang lokal. Sisiguraduhin kong may sapat na training at suporta ang ating mga manggagawa para makuha nila ang mga trabahong ito,” ani Pacquiao.
Dagdag pa niya, mahalaga ring suportahan ang mga maliliit na negosyo na maaaring maapektuhan ng mga proyektong ito, upang matiyak na inklusibo at makatao ang pag-unlad. RNT