Home TOP STORIES Taumbayan tiyak na babalikan sa oras na manalo – Pamilya Ko

Taumbayan tiyak na babalikan sa oras na manalo – Pamilya Ko

TINIYAK ni Atty. Anel Diaz, 1st Nominee ng Pamilya Ko Partylist, na ang taong bayan ang una nilang babalikan ng utang na loob sakaling palarin silang makaupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang kinatawan ng bawat pamilyang Pilipino.

Ayon kay Diaz, ang taos-pusong suporta at tiwalang ipinagkakaloob ng karaniwang mamamayan ang siyang pinanggagalingan ng kanilang lakas para ipagpatuloy ang laban hanggang matapos ang halalan.

“Walang malalaking politiko, negosyante, o makapangyarihang personalidad ang nasa likod ng aming kampanya. Ang tunay na nasa likod namin ay ang sambayanang Pilipino,” pahayag ni Diaz.

Dagdag pa niya, sa bawat lugar na kanilang napuntahan sa bansa, mas naging malinaw sa mga tao kung ano ang adbokasiya ng Pamilya Ko Partylist—at ito ang dahilan kung bakit unti-unting umaangat ang kanilang pangalan sa mga lumalabas na survey.

Hindi rin napigilan ni Diaz ang magpasalamat sa natitirang araw bago ang halalan, sa kanyang buong campaign team at sa mamamayang patuloy na nagbibigay sa kanila ng lakas at inspirasyon.

Muli niyang iginiit na sakaling mahalal, agad nilang itutulak ang mga panukalang batas na ipinangako nila sa publiko—mga repormang magbibigay-proteksyon at pagkilala sa lahat ng uri ng pamilya, lalo na ang mga hindi tradisyunal na porma ng pamilya.

“Ang utang na loob ay sa taong bayan. Sila ang dahilan kung bakit kami lumalaban. At kung kami ay palarin, sila rin ang una naming paglilingkuran,” pagtatapos ni Diaz. RNT