MANILA, Philippines – Mixed emotion si Senador Robin Padilla sa pagbalik sa New Bilibid Prison (NBP) nitong Martes, Agosto 8, na tinawag niyang “home” sa tatlo at kalahating taon.
“Masaya [ako] at malungkot. Masaya ako ang dati kong bahay. Malungkot ako kasi overcrowded. Sobra. Pumuputok na yung tao. Kawawa ‘yung mga bilanggo,” sinabi ni Padilla sa panayam ng GMA, matapos ang inspeksyon nito sa loob ng maximum security compound ng NBP.
Sa kanyang opening statement sa imbestigasyon ng Senate Justice and Human Rights Committee kaugnay sa umano’y inilibing na mga katawan sa septic tank ng NBP, sinabi ni Padilla na natagpuan niya ang kanyang buhay at kapayapaan sa loob ng Bilibid.
Idinagdag din ng senador na ang mga kamakailan na mga pangyayari sa NBP ay ibang-iba sa kanyang mga naranasan noon.
“Hindi ko po manamnam ang mga bagay na nababalitaan ko ngayon. Medyo malayo ito sa nakita ko noon. Kasi noon talagang gusto naming magbago,” sinabi pa ni Padilla.
Noong 1994 ay nakulong si Padilla sa NBP makaraang mahatulan dahil sa illegal possession of firearms.
Binigyan naman ng conditional pardon ni dating Pangulong Fidel Ramos si Padilla at binigyan ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.
Napuna naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagbalik din sa Bilibid na mas malinis na ngayon kumpara sa panahon na siya pa ang hepe ng Burea of Corrections.
Kabilang sa mga pasilidad na ininspeksyon ng mga senador ay ang mess hall, kusina, at lokasyon ng mga septic tank.
Maging ang mga makeshift houses umano ay mas organisado na, ayon kay Dela Rosa.
Katulad ni Padilla, ang napansin lang ni Dela Rosa ay ang sikip sa loob ng NBP.
“Tino-tolerate natin [ang mga kubol] kasi kawawa nga walang matirahan. Hindi naman pwedeng puro ka na lang istrikto, istrikto dito. Mga tao yan eh. Kailangan pangalagaan yung kanilang pangangailangan. Basic need ng tao yan e. ‘Yung tulugan,” sinabi ng senador.
Sina Padilla, Dela Rosa, at Senator Francis Tolentino ang mga nagsagawa ng inspeksyon sa NBP maximum security compound matapos isagawa ng Justice and Human Rights Committee ang kauna-unahang pagdinig sa umano’y mass grave sa loob ng Bilibid, sa BuCor headquarters sa Muntinlupa City. RNT/JGC