Home NATIONWIDE Padilla sa paghihiwalay ng Mindanao: Posible pero gawin sa legal na paraan

Padilla sa paghihiwalay ng Mindanao: Posible pero gawin sa legal na paraan

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Robin Padilla nitong Lunes, Pebrero 5 na hindi imposible ang ipinanukala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na paghihiwalay ng Mindanao sa kabuuan ng Pilipinas.

Sa kabila nito, sinabi ni Padilla na dapat ay gawin pa rin ito nang naaayon sa batas.

“Hindi iyan imposible. Pero kailangan legal. Daanan natin sa legal, wag daanin sa armado o threat sa security,” ayon kay Padilla sa panayam ng ANC.

Sa pulong balitaan nitong Enero 31, kasabay ng palitan ng tirada nina Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ng una na mainam pang ihiwalay na lang ang Mindanao mula sa Pilipians dahil wala umanong nangyayari sa isla “after so many presidents.”

Bagama’t ang panukala ay pasok naman sa karapatan ng mga Mindanaoans, hindi dapat na humantong sa karahasan ang usaping ito.

“Karapatan ng taga-Mindanao na hingin ito. Pero hindi po ito dapat mauwi sa […] armado o karahasan. Kailangan dumaan sa proseso,” ayon pa kay Padilla.

Sa kaparehong press conference, sinabi ng kaalyado ni Duterte na si Rep. Pantaleon Alvarez na ang pagkalas ay matagumpay na nagawa sa Singapore at hindi rin imposible para sa Pilipinas.

Noong 1965, ang Singapore ay inihiwalay mula sa Malaysia at binuo bilang isang independent state.

“I believe that FPRRD [Former President Rodrigo Roa Duterte] is an author of law and order. I believe that this will not escalate to violence,” ani Padilla.

Inatasan ni Duterte si Alvarez na pangunahan ang ‘movement’ at sinabi namang susunod ito sa panuntunan na inilatag ng United Nations sa pagkalap ng mga pirma upang malaman na nais talaga ng mga taga-Mindanao ang isang “separate republic.” RNT/JGC

Previous articleMGA OFW SA TAIWAN MAGIGING MAGANDA ANG PASOK NG TAON
Next articleIWASAN ANG INIT NG ULO NGAYONG HOLIDAY SEASON