Home NATIONWIDE Pag-aangkat ng hayop, produktong hayop mula sa pitong bansa sinuspinde ng DA...

Pag-aangkat ng hayop, produktong hayop mula sa pitong bansa sinuspinde ng DA sa FMD

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na nagpatupad ng pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga buhay na hayop at piling produktong hayop mula sa pitong bansa sa Middle East at Europe matapos makumpirma ang mga kaso ng foot-and-mouth disease (FMD).

Kaugnay nito layunin ng DA na maprotektahan ang industriya ng paghahayupan sa bansa laban sa isa sa mga pinakanakakahawang sakit ng mga hayop sa mundo, habang pinangangalagaan ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng ating mga magsasaka.

Saklaw ng import suspension ang Azerbaijan, Bahrain, Cyprus, Iraq, Israel, Kuwait, at Palestine.

Ayon sa DA, ipinatupad ang hakbang matapos maglabas ng opisyal na ulat ang Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO) na kumukumpirma sa mga outbreak ng FMD virus serotype SAT1 sa mga apektadong bansa.

Pinagtibay ang mga kaso sa pamamagitan ng laboratory testing na isinagawa kasama ang reference laboratory network ng World Organisation for Animal Health (WOAH).

Sa ilalim ng Department Circular No. 39 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ipinagbabawal ng Pilipinas ang pagpasok ng mga buhay na baboy, baka, kalabaw at iba pang hayop na madaling kapitan ng FMD, gayundin ng sariwang karne (skeletal muscle meat), casings, tallow, hooves, sungay at semilya ng hayop na nagmumula sa mga apektadong lugar.

“Malaki ang ating pagsisikap upang maprotektahan ang sektor ng paghahayupan laban sa mga mapaminsalang sakit ng hayop. Mahalaga ang mabilis na pagkilos laban sa mga bagong banta upang mapangalagaan ang food security, kabuhayan ng ating mga magsasaka, at tiwala ng publiko sa ating suplay ng pagkain,” ani Tiu Laurel.

“Nakabatay sa siyensya at pag-iingat ang ating hakbang. Bagama’t nananatili tayong nakatuon sa pagsasagawa ng ligtas na kalakalan, kailangang laging unang isaalang-alang ang kalusugan ng ating industriya ng paghahayupan.”

Nilinaw ng DA na patuloy na papayagang makapasok ang mga produktong itinuturing ng World Organisation for Animal Health bilang “safe commodities,” basta’t mahigpit na nasusunod ang mga itinakdang requirements sa pag-aangkat.

Kabilang dito ang ultra-high temperature (UHT) milk at dairy products, heat-treated canned meat, protein meal, gelatin, at ilang processed hides at leather products, kung makasusunod ang mga ito sa itinakdang veterinary certification at processing standards.

Ang foot-and-mouth disease ay nakaaapekto sa mga cloven-hoofed na hayop, gaya ng baka, baboy, kambing, tupa at kalabaw.

Bagama’t wala itong panganib sa kalusugan ng tao at hindi itinuturing na food safety concern para sa mga mamimili, maaaring magdulot ng malubhang pinsala ang mga outbreak nito sa produksyon ng mga hayop, pagkaantala sa suplay, pagtaas ng production costs, at malaking pagkalugi sa mga magsasaka. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here