Home NATIONWIDE Pag-amyenda sa bank secrecy law upang maging batayan vs pandaraya, inihain ni...

Pag-amyenda sa bank secrecy law upang maging batayan vs pandaraya, inihain ni Sen. Jinggoy

208
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng panukala na amyendahan ang Bank Secrecy Law upang payagan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na silipin ang bank deposits kapag may makatuwirang batayan na may naganap na pandaraya, seryosong iregularidad, o iligal na gawain.

Sa paliwanag ng Senate Bill No. 1047, sinabi ni Estrada na ang Republic Act 1405 ay nagiging “a tool for abuse, particularly in shielding ill-gotten wealth, facilitating tax evasion, and obstructing efforts to combat money laundering and other financial crimes.”

Ayon sa kanya, makatutulong ang amyenda upang mapalakas ang transparency at laban sa korapsyon.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magsagawa ang BSP ng pagsusuri sa mga deposito kung may pasya ang Monetary Board na may sapat na dahilan upang maniwalang may nagaganap o naganap na iligal na aktibidad at kinakailangang tingnan ang account upang patunayan ito.

Saklaw din ang kapangyarihang ito sa imbestigasyon ng mga nagsarang bangko.

May mga proteksyon din sa panukala: hindi maaaring silipin ang deposits sa panahon ng eleksyon kung makasasama sa isang kandidato; mananatiling protektado ang pondong idineposito bago maging epektibo ang batas; at ang resulta ng imbestigasyon ay para lamang sa BSP maliban kung gagamitin sa pag-uusig ng krimen.

“These safeguards ensure that the law will not be weaponized for political harassment, while preventing bank secrecy from being used as a shield for corruption,” sabi ni Estrada.

Dagdag pa niya, “Hindi dapat sinasangkalan ang bank secrecy para gumawa ng kalokohan. Kung may malinaw na dahilan ang BSP para maghinala na may katiwalian o iligal na gawain, dapat may kakayahan itong silipin ang mga account ayon sa batas,” aniya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here