MANILA, Philippines- Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na magkakaroon ng amendments sa Republic Act 7941 upang linawin ang kompyutasyon ng distribusyon ng upuan na ibibigay sa partylist sa panahon ng halalan.
Sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang basehan para sa komputasyon ng upuan para sa nanalong party-list groups ay ang BANAT vs. Comelec ruling o ang tinawag na “Carpio formula”.
Sa ilalim ng Section 5, Article VI ng Konstitusyon at ng Party-list System Act, dapat makakuha ng 20% ang party-list representatives ng kabuuang miyembro ng Kamara kabilang sa mga nasa ilalim ng party-list para sa 63 seats.
Kung ang mga party-list group na may 2% at mas mataas na mga boto ay hindi mapunan ang lahat ng 63 pwesto, ang mga susunod na grupo na may pinakamalapit na bilang ng mga boto hanggang 2% ay makakukuha ng tig-isang pwesto hanggang sa mapunan ang lahat ng mga party-list na upuan.
Dapat sana ay ipoproklama ng Comelec ang 54 grupo, ngunit sinuspinde nito ang proklamasyon ng Duterte Youth at Bagong Henerasyon party-lists, na nanalo ng tatlo at isang pwesto sa House of Representatives, ayon sa pagkakasunod.
Ang Akbayan Party-list, na nakakuha ng pinakamaraming boto sa party-list race, ay nakakuha ng tatlong pwesto sa House of Representatives sa darating na 20th Congress, kasama ang Tingog Party-list.
Ngunit nilinaw ng Comelec na ang pagsuspinde sa proklamasyon ng dalawang party-list groups ay hindi nagpapawalang-bisa sa kanilang pagkapanalo sa botohan. Jocelyn Tabangcura-Domenden