Home NATIONWIDE Pag-amyenda sa Rice Tarrification Law, agad umusad sa Kamara

Pag-amyenda sa Rice Tarrification Law, agad umusad sa Kamara

MANILA, Philippines – Pasado na sa House Committee on Agriculture at Committee on Ways and Means ng House of Representatives ang substitute bill para sa panukalang pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 11203 o Rice Tarrification Law (RTL).

Layon ng pag-amyenda sa RTL na maibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng murang bigas sa merkado.

Matatandaan na noon lamang nakaraang Linggo nang atasan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga mambabatas na paspasan ang pag-amyenda sa RTL sa harap na rin ng nararanasang mataas na presyo ng bigas.

Alinsunud sa kautusan ni Romualdez ay agad na ipinasa ng dalawang komite ang panukala.

“As promised by the Speaker, this is a priority, that we will pass an amended RTL.Wherein we will ensure that there will be the presence of NFA to stabilize the price of rice. So that this will be affordable to our countrymen,” paliwanag ni House Committee on Agriculture Chairman Quezon Rep Mark Enverga.

Samantala, sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Albay Rep Joey Salceda na asahan nang agad na maipapasa sa ikalawa at sa ikatlong pagbasa ang substitute bill para sa RTL bago ang adjourn sine die ng Kamara sa Mayo 22.

Una nang sinabi ni Salceda na ang pagtaas ng inflation rate ay dala ng paglobo ng presyo ng bigas.

Ang inflation noong Abril ay nasa 3.8 %, mas mataas ito sa 3.7 % noong Marso. Gail Mendoza