Home NATIONWIDE Pag-angkat ng DA ng sibuyas sa gitna ng harvest season kinuwestiyon ng...

Pag-angkat ng DA ng sibuyas sa gitna ng harvest season kinuwestiyon ng mga magsasaka

MANILA, Philippines- Binatikos ng mga magsasaka at agricultural groups ang Department of Agriculture (DA) sa desisyon nitong mag-angkat ng sibuyas, nagbabalang makaaapekto ito sa local producers sa gitna ng umiiral na harvest season.

Kinumpirma ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Huwebes na inaprubahan niya ang importasyon ng 3,000 metric tons ng pulang sibuyas at 1,000 metric tons ng puting sibuyas, na inaasahang darating sa susunod na dalawang linggo.

Tinawag ni dating Agriculture Secretary Leonardo Q. Montemayor ang timing ng pag-aangkat ng DA na “ill-advised”dahil nagsimula na ang pag-ani sa mga sibuyas sa key production areas tulad ng Bayambang sa Pangasinan, San Jose sa Occidental Mindoro, at Bongabon at Laur sa Nueva Ecija.

“The DA’s decision is ill-timed. Onion harvests have begun in major producing municipalities like Bayambang in Pangasinan, San Jose in Occidental Mindoro, and Bongabon and Laur in Nueva Ecija,” pahayag ni Montemayor.

Nagbabala siya na mapabababa ng pagdating ng imported onions ang farmgate prices, na magpapalala sa kalagayan ng mga lokal na magsasaka na nahaharap na sa tumataas na halaga ng agricultural inputs at pamemeste ng harabas o army worms.

Bagama’t kinilala niya ang layunin ng DA na maiwasang maulit ang pagsirit ng presyo ng sibuyas tulad noong 2022, binigyang-diin ni Montemayor na kailangan ng mas mahigpit na “oversight” ng market players.

“However, the DA—together with the Department of Trade and Industry and other law enforcement agencies—must also monitor cold storage operators and traders and counter any profiteering or cartelistic behavior,” giit niya.

Kinondena rin ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang aksyon ng ahenya, kinuwestiyon kung bakit nagmadali umano ang Bureau of Plant Industry (BPI) na aprubahan ang pag-angkat ng sibuyas sa kabila ng umiiral na anihan.

“Bakit laging kati ang kamay ng ilang kawani ng Bureau of Plant Industry (BPI) na mag-import ng sibuyas gayong paani na ang ating mga onion farmers?” wika ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet.

“Why the rush? Why the declaration of shortage? May hinahabol ba silang import quota?” dagdag niya.

“Ilang araw at linggo na lang ang aantayin, bakit kailangan ang pag-aangkat ng sibuyas, na darating mismo sa panahon ng anihan?”

“Sa takot ng pagpasok ng import, maraming onion farmers na ang nag-aani ng sibuyas kahit hindi pa panahon dahil sa takot ng pagbagsak ng presyo ng ani pag pumasok na ang onion imports,” paglalahad ni Cainglet.

“Talo at lugi na naman ang mga magsasaka. Talo rin ang mga mamimili,” patuloy niya. RNT/SA