MANILA, Pilippines- Naniniwala si dating Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio na kailangang i-dismiss ang impeachment trial sakaling magbitiw sa pwesto si Vice Pres. Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Carpio na kung magbibitiw sa pwesto si Duterte bago pa man ilabas ng impeachment court ang hatol nito, walang hadlang upang tumakbo muli sa eleksyon si Duterte.
“If she resigns before there is a judgment of conviction, then there’s no prohibition for her to run again,” ani Carpio.
Magugunita na inihayag kahapon ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro, isa sa mga miyembro ng binuong House prosecution panel, na dapat pa ring ituloy ang impeachment process kahit magbitiw sa pwesto si Duterte.
Aniya, tutukuyin sa trial kung papatawan si VP Duterte ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Duterte na sa kasalukuyan ay wala siyang balak na magbitiw sa tungkulin. Teresa Tavares