MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang pag-apela sa pagpapalaya ng 17 Filipino crew members ng Houthi-seized MV Galaxy Leader sa Yemen, lalo na ang tatlong naospital at mayroong sintomas ng malaria.
Sa Saturday News Forum nitong Agosto 3, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na kasalukuyang nasa ospital ang tatlong may sakit na manlalayag habang ang 14 ay nakasakay pa rin sa barko.
“As far as we know, they are safe. They are being fed and given their basic necessities on board the ship,” aniya.
Sa agarang pagpapalaya sa tatlo, sinabi ni Cacdac na ito ay “something that is still in the works.”
“The Department Foreign Affairs (DFA) has reached out to the governments that have communication channels with the Houthi rebels and so we, of course, are relying and coordinating with the DFA in terms of the information,” ani Cacdac.
Nauna nang sinabihan ng DFA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kondisyon ng tatlo.
Kinumpirma rin na nagbigay na ng kaukulang medical assistance ang Sana’a government sa Yemen.
Humingi na rin ng tulong si Honorary Consul to Yemen Mohammad Saleh Al-Jamal mula sa Sana’a authorities para sa pagpapalaya sa mga Filipino crew member.
Sinisikap na rin ang planong pagbisita ni Al-Jamal sa MV Galaxy Leader.
Sa memorandum ng DFA na may petsang Hulyo 30, kinilala ng Sana’a government na “negotiations and discussions are plausible for their fate and possible release.”
Matatandaan na na-hijack ng Houthi ang Bahamas-flagged MV Galaxy Leader malapit sa Hodeidah noong Nobyembre 2023 habang naglalayag ito patungong India at hinostage ang 25 crew members, kung saan 17 rito ay mga Filipino. RNT/JGC