MANILA, Philippines- Maaaring ituloy ng mga paaralan na wala o kaunting pinsala lamang ang tinamo dulot ni Bagyong Carina at ng Southwest Monsoon (Habagat), ang pagbubukas ng klase sa Hulyo 29, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Huwebes.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nauunawaan nila kung ipagpapaliban ng mga paaralan sa mga lugar na labis na apektado ng masamang panahon ang pagbubukas ng school year.
“Some schools will really have to postpone their openings kasi maraming aayusin at lilinisin,” pahayag niya. “Pero yung wala o minimal ang damage itutuloy pa rin ang pasukan.”
Dagdag ng DepEd chief, maglalabas siya ngayong Biyernes ng listahan ng mga paaralan na kailangang ipagpaliban ang kanilang class opening.
“Hindi namin pipilitin yung mga nasalanta talaga at mahihirapan sa school opening ng Lunes,” ani Angara.
Hanggang nitong Huwebes, sinabi ng DepEd na 90 paaralan sa siyam na rehiyon (CAR, NCR, Region I, Region II, Region III, Region IV-A, Region IV-B, Region VI, at Region VIII) ang nagtamo ng pinsala.
Pumalo naman ang kabuuang estimated cost ng reconstruction at rehabilitation sa P630 milyon.
Batay pa sa ulat, 324 eskwelahan sa anim na rehiyon (CAR, NCR, Region I, Region III, Region IV-A, at Region VI) ang ginagamit bilang evacuation centers.
Ilang lugar sa Pilipinas ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa malawakang pagbaha. RNT/SA