MANILA, Philippines – Binatikos ng mga mambabatas sa minorya ang Senado sa pag-archive ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte kahit walang naging paglilitis.
Kinondena nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, at Akbayan Reps. Chel Diokno at Perci Cendaña ang hakbang bilang “walang kahihiyang pagtatangka” na patayin ang kaso at iwasan ang pananagutan, lalo na sa isyung ₱612.5 milyong confidential fund.
Ayon kay Tinio, mas takot umano ang Senado sa Duterte camp kaysa sa taumbayang humihingi ng paliwanag. Sinabi naman ni Co na ipinakita ng boto kung kanino talaga nakikinig ang mga senador.
Giit ni Diokno, dapat hinintay muna ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema sa nakabinbing motion for reconsideration. Aniya, ang pag-archive ay katumbas ng pagpatay sa reklamo.
Tinawag naman ng Akbayan ang Senado na “grupo ng mga payaso” at isang “Senate of the Dutertes,” at inilarawan ang aksyon bilang pagtataksil sa tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon. RNT