MANILA, Philippines — Hindi awtomatikong maaaresto ang mga pinangalanang umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), ayon kay ICC assistant to counsel Kristina Conti.
Sa panayam sa Unang Hirit, sinabi ni Conti na nakasalalay sa prosecutorial discretion ng ICC Prosecutor kung hahabulin at hihingan ng arrest warrant ang sinumang kabilang sa listahan.
“May tinatawag na prosecutorial discretion. Depende sa strategy ng prosecutor kung sino ang hahabulin. Puwedeng isa, puwedeng lahat,” ani Conti.
Dagdag niya, karaniwang tinututukan ng ICC ang “most responsible” o ang mga may pinakamalaking pananagutan at may kakayahang pigilan o ipatigil ang umano’y mga krimen.
Kamakailan ay naglabas ang ICC ng dokumento na nagbanggit sa mga umano’y kasama sa “common plan” upang “i-neutralize” ang mga hinihinalang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na krimen kabilang ang pagpatay.
Kabilang sa pinangalanan sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Sen. Bong Go, dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II, dating PNP chiefs Vicente Danao, Camilo Cascolan at Oscar Albayalde, dating NBI chief Dante Gierran, at dating PDEA head Isidro Lapeña.
Tinawag naman ng kampo ni Duterte na “completely lacking in truth” ang listahang inilabas ng ICC.
Binigyang-diin ni Conti na ang pagiging co-perpetrator ay hindi nangangahulugang co-accused. Aniya, bahagi lamang ito ng paglalahad ng konteksto sa kaso laban sa dating pangulo.
“Hindi pa ito akusasyon sa kanila… Imposible ikwento ang umano’y ginawa ni Duterte nang hindi nababanggit ang pangalan nila,” paliwanag niya.
Hinimok din ni Conti ang pamahalaan na makipagtulungan sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Sinampahan ng ICC Prosecutor si Duterte ng 49 bilang ng murder at attempted murder kaugnay ng kampanya kontra droga, bagama’t sinabi nitong mas malawak pa ang saklaw ng mga naging biktima.
Batay sa rekord ng pamahalaan, nasa 6,200 drug suspects ang nasawi sa anti-drug operations ng administrasyong Duterte. Gayunman, tinatayang aabot sa 30,000 ang bilang ayon sa mga human rights groups dahil sa mga hindi naitalang pagpatay. RNT/JGC