MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iniutos ng Court of Appeals ang pag-freeze ng mga bank account, ari-arian, at air assets ng mga kontratista at dalawang mambabatas na konektado sa anomalya sa flood control projects.
Saklaw ng utos ang Silverwolves Construction Corporation, Sky Yard Aviation Corporation, at personal na ari-arian nina Benguet Representative Eric Yap at ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap.
Ayon kay Marcos, mahigit P16 bilyon ang dumaan sa Silverwolves mula 2022 hanggang 2025, na karamihan ay may kaugnayan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways.
Na-freeze ang kabuuang 280 bank accounts, 22 insurance policies, tatlong securities accounts, at walong air assets, kabilang ang mga eroplano at isang helicopter.
“Kailangan natin ang mga freeze order na ito para hindi maibenta ang mga ari-arian at para maibalik natin sa ating mga kababayan ang bawat pisong pinaghihinalaang ninakaw,” ani Marcos.
Idinagdag niya na hindi na maaaring nakawin ang pondo na para sa mga Pilipinong paulit-ulit binabaha at nawawalan ng bahay at kabuhayan.
Noong Oktubre, itinuring na “person of interest” si Eric Yap kaugnay ng unfinished pero fully paid flood control projects sa La Union, habang sina Edvic Yap at Bulacan Rep. Salvador Pleyto ay umano’y nakatanggap ng pera mula sa mga kontratistang Curlee at Sarah Discaya.
Ipinagkaila ng parehong mambabatas ang kanilang pagkakasangkot. RNT