GOOD News! Umabot na sa record-high na P160.41 billion ang kabuuang savings ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ngayong 2025, 21% na pagtalon mula sa nakaraang taon.
Ayon sa ahensya, ang nasabing milestone ay bunsod ng patuloy na paglago ng voluntary savings ng mga miyembro, partikular na sa ilalim ng Modified Pag-IBIG II (MP2) Savings Program.
Tiwala ng mga Miyembro sa Pag-IBIG Fund
Binigyang-diin ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling, na siya ring Tagapangulo ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, na ang mataas na koleksyon ay sumasalamin sa tiwala ng publiko sa ahensya.
“Dahil sa mas mataas na koleksyon na P27.61 bilyon kumpara noong nakaraang taon, nananatiling matatag ang pinansyal na posisyon ng Pag-IBIG Fund. Nagbibigay-daan ito upang patuloy kaming makapag-alok ng mababang interest rates at masuportahan ang Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” ani Aliling.
Voluntary Savings, Nadaig ang Mandatory Contributions
Sa kabuuang halaga, ang mandatory monthly contributions ay nagkakahalaga ng P66.80 bilyon.
Gayunpaman, mas malaking bahagi ng koleksyon ang nagmula sa voluntary savings o ang dagdag na ipon ng mga miyembro, lumampas sa kinakailangang kontribusyon.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, umabot sa P93.60 bilyon ang voluntary savings, o katumbas ng 58% ng kabuuang koleksyon.
“Ipinapakita nito na nananatiling buhay ang kultura ng pag-iipon sa mga Pilipino,” pahayag ni Acosta. Dagdag pa niya, umabot sa P10.09 bilyon ang naitalang ‘additional monthly contributions’ mula sa mga miyembrong piniling magtabi ng higit sa mandatory na P200 kada buwan.
Ang MP2 Savings ang itinuturong pangunahing dahilan ng paglago, kung saan nakakolekta ang ahensya ng P83.51 bilyon ngayong taon.
Ibinahagi rin ni Acosta na marami sa mga MP2 savers, lalo na ang mga retirado, ang tinatawag na ang kanilang sarili bilang mga “LODI” o “Living on Dividends.”
Ito ay dahil ginagamit na nila ang taunang kita o dividends mula sa kanilang ipon para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
“Makakaasa ang aming mga miyembro na pangangalagaan namin nang maayos ang kanilang mga ipon at magsisikap kaming magbigay ng pinakamataas na posibleng return. Iyan ang Lingkod Pag-IBIG,” pagtatapos ni Acosta.






