
DAPAT magpasalamat ang lahat sa ‘di gaanong madugong biyahe ng milyon-milyong mamamayan na pumunta kung saan-saan at umuwi sa dapat nilang uwian kaugnay ng Semana Santa.
Bihira ang mga naitalang disgrasya sa biyahe at mas marami pa ang nasawi sa pagkalunod na naitalang nasa 31 katao, ayon sa pulisya.
Mas maliit umano ang nalunod ngayon taon kumpara noong nakaraang taon na mahigit 40 katao.
Iba namang disgrasya ang naganap sa isang barge na bumaligtad na ikinalunod ng pito katao sa Occidental Mindoro at pagka-missing ng apat na iba pa.
Nasa pito lang ang nasawi sa disgrasya sa sasakyan at naganap iyon sa Zamboanga del Sur, Negros Occidental at Quezon province.
Nasa 57 naman ang nasugatan nang bumaligtad ang overloaded na jeepney sa Iloilo.
May karambola naman ng siyam na sasakyan sa Cebu ngunit walang nasawi at may mga nasugatan lamang.
Naganap ang karambola ng isa umanong SUV ang nawala sa tamang daan nang makatulog ang tsuper nito habang nagmamaneho.
Ayon naman sa Department of Health, may 288 ang aksidente nitong Abril 13-17, 2025.
Karamihan sa disgrasya ay mga nakamotorsiklo sa bilang na 221 at apat ang namatay sa mga ito.
Sa kabuuang motorcycle accidents, nasa 82 porsiyento sa mga nadisgrasya ang hindi nagsuot ng helmet.
Nasa 20 naman ang naaksidente dahil nakainom ang mga tsuper.
Gaya ng ulat ng pulisya, mas kakaunti ang mga disgrasya ngayon kumpara noong nakaraang taon.
Kung iisipin, bukod sa sariling hakbang ng mga mamamayan, nakatulong nang husto sa pagbaba ng mga disgrasya sa sasakyan, kamatayan at pagkalunod ang naglipanang mga taong gobyerno mula sa barangay hanggang sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan gaya ng pulisya.
Sa rami nila na naroroon sa mga lansangan at tabing dagat, makatitiyak ka ng kaligtasan, kasama ang agarang pagdadala sa iyo sa pinakamalapit na pagamutan.