MANILA, Philippines – Nagpaalala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko na maging maingat sa paggamit ng social media ngayong Christmas holiday season, lalo na sa mga nagbabakasyon.
“Vacations are meant for rest—not risk. Think before you post and keep your home safe while you’re away,” ayon sa advisory ng NBI nitong Sabado.
Babala ng NBI, minomonitor ng mga kriminal ang social media para tukuyin ang posibleng target.
Pinapayuhan ang publiko na iwasan ang real-time travel updates at pag-post na walang tao ang bahay.
Inirerekomenda rin ng NBI ang pag-post ng travel photos pagkatapos na lamang makauwi, paglilimita ng post visibility, at pag-review ng privacy settings.
Nagbabala rin ang ahensya laban sa pakikipag-ugnayan sa hindi kilalang accounts at hinikayat ang publiko na agad i-report ang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na tanggapan ng NBI. RNT/MND