PINAIIMBESTIGAHAN ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang mga ulat hinggil sa umano’y pag-recycle at muling pagbebenta ng mga nasamsam na vape products.
Ayon sa BOC, ang mga nasabing vape products ay nakumpiska kamakailan at iniulat na inilagay sa ilalim ng isang “safekeeping order” sa pamamagitan ng isang Mission Order.
Layon ng nasabing direktiba ni Rubio na iberipika ang mga paratang na ito at tukuyin ang sinumang tauhan ng BOC na kasangkot, kasamang mga indibidwal at kolektibong tungkulin sa usapin. Susuriin din ng imbestigasyon ang anumang potensyal na pananagutan sa administratibo at kriminal na nauugnay sa mga isyung ito.
Nabatid na inatasan ang Intelligence Group na magsumite ng lingguhang status reports at detalyadong fact-finding report sa loob ng 30 araw pagkatapos matanggap ang utos.
Bilang tugon sa direktiba ng Komisyoner, ang Intelligence Group ay nagpahayag ng kanilang pangako na magsagawa ng masinsinan at walang kinikilingan na pagsisiyasat.
Samantala, tiniyak ni Commissioner Rubio sa publiko na ligtas naman ang mga nasabat na mga pekeng kalakal sa Binondo, Maynila, kamakailan na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P11 bilyon. Jay Reyes