MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) ang posibilidad na kailanganin ng driver’s license para sa mga nagmamaneho ng dalawa o tatlong gulong na electric vehicles, ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao.
Ayon sa kanya, isyu ito sa kaligtasan, lalo na kung ang mga e-trike at e-bike ay ginagamit sa major thoroughfares.
Marami umano sa mga driver nito ay walang lisensya at hindi rehistrado sa LTO, kaya walang insurance ang sasakyan.
Nangyari na rin umano na kapag may aksidente, hindi makakakuha ng kompensasyon ang pasahero o ibang apektadong partido.
Plano rin ng LTO na palawakin ang mga kalsadang ipagbabawal para sa e-trikes at e-bikes, kabilang ang Commonwealth Avenue sa QC at Marcos Highway papuntang Eastern Metro Manila at Rizal.
Maglalabas ang Department of Transportation ng memorandum circular upang linawin kung sino ang dapat may lisensya at aling mga unit ang kailangang irehistro. RNT/MND