MANILA, Philippines – PLANO ni incoming Education Secretary Sonny Angara na talakayin sa Civil Service Commission (CSC) ang adjustments sa job qualifications para I-cater ang mga Senior High School graduates.
“Baka meron silang suggestion kung paano matanggal na yung ganoong qualification na college gradute sa lahat ng trabaho kasi alam naman natin na hindi lahat ng trabaho nangangailangang college degree,” ayon kay Angara sa isang panayam.
Sinabi pa ni Angara na kakausapin din niya ang mga business groups na magbukas ng mas maraming job opportunities sa technical-vocation (tec-voc) SHS graduates.
Kabilang sa mga business groups na ito ay ang Management Association of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, at Makati Business Club.
Tatrabahuhin din ni Angara ang pagbibigay ng accreditation sa mga SHS graduates sa ilalim ng tec-voc strand at makikipag-ugnayan sa Technical Education And Skills Development Authority sa pagtugon ng kakulangan ng tec-voc trainers.
Inaasahan naman ni Angara ang isang pagpupulong kasama ang mga undersecretary at mga assistant secretary ng Department of Education sa oras na isagawa na ang turnover ceremony sa July 18.
Pag-uusapan sa miting ang mga isyu na may kinalaman sa Education Department, kabilang na ang pagsisimula ng Academic Year 2024-2025.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Angara na muling pag-aralan ang K-to-12 program.
Ito ay dahil naniniwala ang Pangulo na hindi naging epektibo ang kakayahang magtrabaho o hindi naging maganda ang resulta ng employability ng mga estudyante na dumaan sa pagdaragdag ng 2 taon sa high school ng DepEd.
Sa ngayon ang kailangan lang aniya ay makipag-ugnayan sa pribadong sektor para mabigyang garantiya ng supply ng skilled workers.
Inatasan din ng Pangulo si Angara na tutukan ang resulta ng mga estudyante sa international objective test lalo na sa STEM subjects dahil dito bumabagsak ang Pilipinas.
Matatandaan na isa si Angara sa mga may akda na nagsulong ng batas ng K-to-12. Kris Jose