MANILA, Philippines – Bumabalangkas ang Department of Education (DepEd) ng polisiya para bawasan ang teaching load ng mga guro upang magkaroon sila ng mas maraming oras na tutukan ang psychosocial well-being ng mga mag-aaral.
Ayon kay Education Undersecretary Malcolm Garma, binuo ang policy matapos ang ilang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa bansa ngayong taon na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang estudyante.
“Bumabalangkas kami ngayon ng mga patakaran at polisiya kung pwedeng bawasan yung teaching load ng teachers natin para sa ganon makatutok sila sa psychosocial well being nang kanilang mag-aaral,” ani Garma.
Sinabi rin ni Garma na kailangang palawakin ang digital safety programs ng DepEd para sa mga estudyante at school personnel.
Ayon sa opisyal, hindi lamang pisikal na paghahanda ng mga paaralan ang kailangan upang maiwasan ang mga shooting incident, dahil may impluwensya rin umano ang online activities at pagsali sa mga online group.
May mga sanction na rin aniya para sa mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa cyberbullying.
Hindi naman gagawin bilang hiwalay na subject ang module para rito. Sa halip, isasama ito sa iba’t ibang learning systems. RNT/MDS