Home NATIONWIDE Pagbabayad sa displaced OFWs pinaplantsa ng Saudi Arabia

Pagbabayad sa displaced OFWs pinaplantsa ng Saudi Arabia

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng pangako ang gobyerno ng Saudi Arabia  na babayaran ang nakabinbing wage claim ng libo-libong overseas Filipino worker na nawalan ng trabaho pagkatapos ng 2015 economic crisis.

Noong Hulyo, sinabi ni Philippine Migrant Workers Secretary Hans Cacdac na na nakapaglabas pa lamang ang Saudi ng P1.95 bilyon sa 2,500 Pinoy na manggagawa na nawalan ng trabaho nang ideklarang bangkarota ang mga kompanyang Arabo na kanilang pinagtatrabahuan.

Batay sa listahan ng Department of Migrant Workers, mayroong kabuuang 10,554 OFWs ang apektado.

Nauna nang sinabi ng Philippine Embassy sa Riyadh na nakikipag-usap din sila sa gobyerno ng Saudi para mabilis na maproseso ang mga hindi pa nababayarang claim.

Bukod sa repayment program, sinabi ng Ministry of Human Resources and Social Development (MHRSD) na ipinakilala rin nito ang iba pang mga hakbang upang pangalagaan ang mga manggagawa sa Saudi Arabia at protektahan sila laban sa panganib ng mga paglabag sa kontraktwal.

Kabilang dito ang Wage Protection System—isang electronic salary transfer system na nagsisiguro na ang mga empleyado ay binabayaran ng kanilang sahod sa oras at buo.

Noong nakaraang Oktubre, ang MHRSD, kasama ang Insurance Authority ng Saudi, ay naglunsad din ng Expatriate Worker Wage Insurance Service for Private Sector Defaults na sasakupin ang hindi pa nababayarang sahod hanggang anim na buwan at magbibigay ng tulong sa paglalakbay para sa mga expatriate sa Saudi/

Ang inisyatiba ay bahagi ng layunin ng bansa na paigtingin ang pangkalahatang kahusayan at apela ng Saudi labor market lalo na sa mga bihasang dayuhang manggagawa. Jocelyn Tabangcura-Domenden