MANILA, Philippines – Hiniling ni Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña sa Kamara na ibalik ang pondo para sa EDSA Bus Carousel sa 2027 upang matulungan ang mas maraming commuters.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang budget ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Cendaña na walang inilaan na pondo para sa Service Contracting Program (SCP) at fuel subsidy ng EDSA busway.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, wala rin ang naturang pondo sa 2026 National Expenditure Program (NEP) at nadagdagan lamang kalaunan dahil sa krisis sa Middle East na nakaapekto sa kabuhayan ng mga PUV driver.
Sa ilalim ng SCP, binabayaran ang mga modern at traditional jeepney at bus batay sa kanilang napipilahang kilometro. Nagbigay rin ang gobyerno ng P12 kada litro na fuel subsidy para sa mga passenger jeepney at UV Express dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sinabi ni Lopez na ang kakulangan ng pondo ay dulot ng limitadong fiscal space ng gobyerno at mataas na obligation rate ng DOTr, na umabot na sa 82.4 porsiyento noong Hulyo 2026.
“So makikita naman natin yung rason ay talagang sinusolusyonan kaya nakikita naming sanhi ay siguro yung limited fiscal space ng gobyerno at hindi dahil may kakulangan ang DOTr,” ani Lopez.
Nanawagan naman si Cendaña na ibalik ang pondo dahil malaking bilang ng mga Pilipino ang umaasa sa public transportation araw-araw.
“Napakarami sa ating mga kababayan ang umaasa sa public transport para makapasok sa kanilang trabaho at makauwi sa kanilang mga tahanan,” pahayag niya.
“I hope that the Congress through this committee will not take this budget cut lightly and act to restore the Edsa bus carousel budget and kasama nyo kami para tiyakin ito,” dagdag niya. RNT/MDS