MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng labis na kasiyahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mayorya ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay naniniwala sa katotohanan at nagdesisyon na ibasura ang impeachment complaints na isinampa laban sa kanya.
”Nasisiyahan po ang Pangulo sa naganap na proseso sa House of Representatives. Natutuwa po ang Pangulo na 284 na miyembro ng House of Representatives ang naniniwala sa katotohanan at nagpasyang ibasura ang impeachment complaints laban sa kanya,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kasunod ng pagbasura ng Kongreso sa dalawang impeachment complaints laban sa Pangulo dahil sa ‘insufficiency of substance.’
Sa botong 284-8-4, in-adopt ng Kongreso ang House Resolution 746 at ang findings ng Committee Report 111, na nagbabasura sa reklamong inihain ni Andre de Jesus at Makabayan bloc.
Kaya nga sinabi ni Cahstro na “Sa ngayon, ang nais ng Pangulo ay sumulong at magtuloy-tuloy sa trabaho. Nakatuon siya sa pagsasagawa ng mga programang pang ekonomiya na mag-aangat sa buhay ng bawat pamilyang Pilipino.”
Sa ulat, inaprubahan ng House of Representatives ang mga rekomendasyon ng Committee on Justice na ibasura ang dalawang reklamong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa botong 284-8-4.
Sa sesyon ng Kamara, araw ng Martes, Pebrero 10, binasa ni Batangas Rep. Gerville Luistro, chairperson ng komite, ang ulat na nakapaloob sa House Resolution No. 746, na nauna nang inaprubahan ng komite.
Araw ng Lunes, Pebrero 9, pormal na ibinasura ng Committee on Justice ang mga reklamong impeachment laban kay Marcos Jr. matapos bumoto ang 39 miyembro ng panel pabor sa pag-apruba ng ulat ng komite.
Sa pagdinig noong Lunes, tinalakay ang ulat at nagkaroon ng diskusyon matapos kuwestiyunin ng mga miyembro ng Makabayan bloc kung bakit idineklarang “kulang sa substansiya” ang dalawang reklamo, na umano’y walang sapat na mga alegasyong batay sa katotohanan.
Kalaunan, isinailalim sa botohan ang usapin, kung saan apat lamang na miyembro ang tumutol sa ulat. Kris Jose