Home NATIONWIDE Pagbebenta ng vape, yosi, heated tobacco nang mas mura sa floor price...

Pagbebenta ng vape, yosi, heated tobacco nang mas mura sa floor price ipinagbawal ng BIR

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ipinagbabawal ang pagbebenta ng vapor products, sigarilyo, at heated tobacco products na mababa sa floor price, na resulta ng pinagsamang excise at value-added taxes.

Sinabi ni BIR Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. nitong Martes na naglabas ng Revenue Regulation No. 16-2024 (RR No. 16-2024) na nag-update sa floor prices ng mga sigarilyo, vape, at heated tobacco products.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Lumagui ang mga e-marketplace, online sellers, retail sellers, at distributor ng mga produktong tabako na maaari silang managot sa batas kung magbebenta sila ng mga naturang produkto nang mas mababa sa ipinag-uutos na floor price.

Sinabi ni Lumagui na ang pagbebenta ng mga naturang item na mababa sa ipinag-uutos na floor price ay isang kriminal na paglabag na pinarusahan ng pagkakulong ng nagbebenta.

“We are monitoring both online platforms and brick-and-mortar stores. Do not sell below the floor price. ,” ani Lumagui.

Sinabi ng BIR na ang Section 145 (C) ng National Internal Revenue Code (NIRC), gaya ng inamyenda, ay nagtatakda na ang pagbebenta ng mga produktong tabako sa presyong mas mababa kaysa sa pinagsamang excise at value-added taxes na ipinataw sa ilalim ng batas ay dapat ipagbawal.

Nabatid na ang mga nagbebenta ng mga produktong tabako na mababa sa ipinag-uutos na floor price ay parurusahan ng multang hindi bababa sa 10 beses ang halaga ng excise plus value-added taxes na dapat bayaran ngunit hindi bababa sa P200,000 o higit sa P500,000 at pagkakulong ng hindi bababa sa apat na taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon. JAY Reyes