MANILA, Philippines – “It is unfortunate Mayor Magalong resigned.” Ito ang naging pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez sa naging pagbibitiw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), ang komisyon na nilikha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang imbestigahan ang mga maanomalyang proyekto sa imprastraktura.
“The demand of the Filipino people from the Independent Commission on Infrastructire is higher than any one person. The commission, made up of distinguished professionals with unassailable integrity, has hit the ground running on day 1,” ayon kay Gomez.
“The palace respects the autonomy of the commission. Let’s allow them to do their job and deliver on their mandate,” aniya pa rin.
Nauna rito, sa isang liham sa Pangulo, sinabi ni Magalong na “The Palace’s pronouncements concerning my designation, which run contrary to the terms of my appointment, have undermined the role and mandate entrusted to me.”
“Combined with circumstances that already cast doubt on the independence of the Independent Commission for Infrastructure, it has become clear that my continued service is no longer tenable,” aniya.
Hindi naman idinetalye ni Magalong ang dahilan ng pag-alis niya bilang special adviser ng ICI.
Samantala, Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang legal team na pag-aralan ang pagtatalaga kay Magalong bilang special adviser sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), na binuo para imbestigahan ang maanomalyang infrastructure projects sa nakalipas na 10 taon.
Ito ay matapos na lumutang ang posibleng isyu sa conflict of interest sa papel ni Mayor Magalong sa independent commission at bilang kasalukuyang alkalde.
Ani Castro, pinag-aaralan ng legal team ang naturang usapin upang maiwasan ang paglabag sa batas.
Tinitignan din aniya ng mga abogado kung saan mas mainam na ilagay o isama si Magalong para mapanatili ang independence ng komisyon.
Matatandaan, nauna ng itinalaga ng Pangulo si Magalong bilang special adviser sa ICI matapos magpresenta ang alkalde ng sarili niyang mga nakalap na impormasyon o datos at imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects sa kaniyang nasasakupan.
Ngayong linggo din, umani ng kontrobersiya ang konstruksiyon ng P110 million tennis court at parking building sa Baguio city matapos na lumabas na in-award ito sa St. Gerard Construction General Contractor and Development Corporation, na isa sa mga kompaniyang konektado sa mag-asawang Discaya na sentro ngayon ng kontrobersiya sa flood control projects.
Subalit nilinaw ni Magalong na dumaan sa legal procedures ang lahat ng naging aksiyon ng Bids and Awards Committee at implementing offices. (KRIS JOSE)