MANILA, Philippines – Tinanggihan ni Public Works Secretary Manuel Bonoan ang mga panawagan na magbitiw siya sa puwesto kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects, iginiit na ang pagbibitiw ay pag-iwas lamang sa responsibilidad.
“Madaling gawin ang mag-resign o talikuran ang problema. Pero hindi ito ang tamang paraan ng paghahanap ng solusyon,” pahayag ni Bonoan sa isang video message, sabay diin na tatanggapin niya ang accountability ngunit hindi kukunsintihin ang anumang uri ng korupsiyon.
Ayon kay Bonoan, inilipat na sa ibang puwesto ang ilang opisyal ng DPWH sa Region 4B at Batangas habang nagpapatuloy ang beripikasyon sa mga flood control project sa Bulacan at iba pang probinsya. Nauna nang bumuo ng Anti-Corruption Task Force ang ahensya at nagsuspinde ng mga district office na sangkot umano sa ghost projects.
Bukas din si Bonoan na ilabas ang kanyang SALN kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng lifestyle checks sa mga opisyal ng gobyerno. Giit ng Malacañang, patuloy na buo ang tiwala ng Pangulo kay Bonoan. Santi Celario