MANILA, Philippines – Suportado ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapalawig ng termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials, dahil anila, magbibigay ito ng mas mahabang panahon upang makapagpatupad at makapagpanatili ng mga programang makakapagdulot ng pangmatagalang pagbabago sa komunidad.
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Republic Act 12232 na nagtatakda ng apat na taong termino para sa barangay at SK officials, ipinagpapaliban ang Barangay at SK Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026, at nagtatakda ng term limits—tatlong sunod na termino para sa barangay officials at isang buong termino para sa SK leaders.
Ayon sa DILG, pinatitibay ng reporma ang pananagutan at pamumuno sa antas-barangay, at makikipagtulungan ito sa mga stakeholder para sa maayos na pagpapatupad ng batas.
Samantala, may mga petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa konstitusyonalidad ng RA 12232, ngunit nanawagan ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, sa pangunguna ni National President Maria Katrina Jessica Dy, na ibasura ito, iginiit na may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda ng termino ng barangay at SK officials. RNT