Home NATIONWIDE Pagbili ng P680M bigas sa BARMM pinaiimbestigahan

Pagbili ng P680M bigas sa BARMM pinaiimbestigahan

227
0

MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ng ilang mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang umano’y maanomalyang pagbili ng bigas na nagkakahalaga ng P680 milyon na isinagawa ng Ministry of the Interior and Local Government noong 2024.

Nabatid na sa ipinadalang sinumpaang salaysay ng mga nagrereklamo sa Office of the Ombudsman-Mindanao, Office of the President, Senado, Office of the Speaker-BARMM at Commission on Audit hiniling ng mga nagrereklamo ang imbestigasyon dito.

Ayon pa sa mga nagreklamo, na itinago ang mga pangalan upang maprotektahan ang kanilang sarili, ang mga naturang transaksyon ay labag umano sa procurement laws, transparency standards, at fiscal responsibility.

Sinabi pa sa ulat na lahat umano ng kontrata para sa biniling bigas ay palagi na lang napupunta sa iisang supplier lamang – ang JB Pharma & Trade Center – na isang pharmaceutical distributor at wala namang umanong kakayahang mag-supply ng agricultural products.

Nabatid pa sa reklamo na sa isang transaksyon pa lang, nalugi na umano ang gobyerno ng P15 milyon dahil sa pagka-award ng kontrata sa JB Pharma samantalang meron naman umanong lowest bidder na lehitimong supplier ng agricultural products.

Sinabi pa nila na ang nabiling bigas umano ay lubhang napakamahal sa halagang P60 per kilo samantalang P45 lang ang halaga nito sa merkado.

Kaugnay nito, pinayagan din umano ng Ministry of the Interior and Local Government ang pagbili ng naturang bigas noong Hulyo 24, 2024 gamit ang 2023 MILG-READI Fund na nagkakahalaga ng P100.325 miyon kahit wala namang deklarasyon ng kalamidad.

Ayon pa sa mga nagreklamo, walang dumating na bigas na gamit ang naturang budget at wala ding isinagawang distribusyon.

Nabatid pa sa ulat na isa ring malaking isyu laban sa ministry ang paghahati-hati ng kontrata o contract splitting upang maiwasan ang bidding na labag naman sa batas. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here