Home NATIONWIDE Pagratipika sa Bicam report ng VIP Act, ikinagalak ni Sen. Go

Pagratipika sa Bicam report ng VIP Act, ikinagalak ni Sen. Go

202
0

MANILA, Philippines – PINURI at ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagratipika ng bicameral conference committee sa pinagsamang bersyon ng Senado at Kamara sa panukalang Virology Institute of the Philippines Act na kanyang iniakda.

Ang bicameral conference committee report sa Senate Bill No. 2893 ay niratipikahan ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Hunyo 9.

Binigyang-diin ni Go ang mga naging aral mula sa COVID-19 pandemic, kung saan naging bulnerable ang bansa dahil sa kawalan ng nakatutok na pasilidad ng pananaliksik.

“Ang pandemya po ay naging leksyon sa ating lahat. Kung may sarili lamang tayong pasilidad noon para sa research and development ng bakuna at antiviral drugs, mas naging mabilis sana ang ating tugon sa krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19,” aniya.

Ipinaliwanag ni Go na ang panukala niyang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines ay napakahalagang hakbang sa pagkamit ng biomedical self-reliance at pangmatagalang katatagan laban sa mga banta ng pandemya.

“Kung maisasabatas ang pagtatayo ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines, mas mapalalakas natin ang kapasidad ng bansa na tukuyin, aralin, at labanan ang mga virus na maaaring magdulot ng malawakang sakit o pandemya. Isa itong malaking hakbang tungo sa pagiging self-reliant natin pagdating sa mga bakuna at gamot laban sa mga infectious diseases,” paliwanag ni Go.

Binigyang-diin niya na ang agham at teknolohiya ay dapat maging sentro sa pamamahala sa kalusugan ng bansa at ang pamumuhunan sa mga institusyon tulad ng Virology Institute ay mahalaga sa pagbuo ng pangmatagalang solusyon.

Naniniwala ang senador na ang siyensya at teknolohiya ay mahalagang bahagi ng health strategy kaya dapat mamuhunan sa mga institusyong tututok sa pangmatagalang solusyon sa mga krisis pangkalusugan.

Kung maisasabatas, ang Virology Institute ay gagana bilang isang attached agency sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).

Ito ang magiging responsable para sa advanced na pananaliksik at pag-unlad sa virology na sumasaklaw sa mga virus ng tao, hayop, at halaman. Pangungunahan nito ang pre-clinical na pag-aaral, genome sequencing, diagnostic design at prototyping ng bakuna.

Ito rin ang magpapanatili ng high-containment biosafety laboratories at magtatatag ng mga biobank para sa pag-iimbak at pagsusuri ng specimen.

Sinabi pa ni Go na ang panukalang ito ay hindi lamang tugon sa kasalukuyang mga banta, kundi paghahanda na rin para sa kinabukasan.

Kinakailangan aniya na magkaroon tayo ng kakayahan para harapin ang mga darating na pandemya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here