MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na hindi dapat ipag-alala ang naitalang kaunting pagbilis ng inflation noong nakalipas na Setyembre na naitala sa 1.7%.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakipag-ugnayan sila sa economic team ng administrasyon at sinabi aniya ng mga ito na hindi pa naman lumalampas sa projection rate na dalawa hanggang apat na porsiyento ang inflation rate na naitala noong nagdaang buwan.
Malayo pa, ani Castro, ito sa projection rate habang nakikita rin nina NEDA Secretary Arsenio Balisacan at Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs Frederick Go na mabagal naman ang pagtaas ng naitalang inflation.
“Ito pong 1.7% ay hindi po ito nakakapagpabagabag sa gobyerno dahil ang pinaka-projected band ay 2 to 4% this year, at malayo pa po ito,” ani Castro.
Sanhi umano nito ang pagtaas ng presyo ng gulay bunsod ng tuluy-tuloy at sunud-sunod na mga bagyong tumama sa bansa kamakailan.
Sa kabilang dako, sinabi ng Philippine Statistics Authority na ang September inflation rate ay mas mabagal pa rin kumpara sa 1.9% rate noong September 2024. Kris Jose