Home NATIONWIDE Pagbisita ng opisyal ng US Embassy sa ICI kinuwestyon

Pagbisita ng opisyal ng US Embassy sa ICI kinuwestyon

356
0

MANILA, Philippines – Umani ng batikos ang pagbisita ng isang opisyal ng US Embassy sa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Biyernes, sa gitna ng mga tanong hinggil sa pagiging bukas ng komisyon sa publiko habang tumatanggi itong isapubliko ang mga pagdinig kaugnay ng umano’y katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.

Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, bumisita sa kanilang opisina sa Taguig si Michael Keheller, acting deputy chief ng US Embassy, para umano sa isang “inquiry.”

“We explained to him the mandate of the ICI based on EO 94 and at the same time what we have done so far,” ani Hosaka.

Ngunit agad itong binatikos ng ilang grupo, kabilang ang Pamalakaya, na nagsabing tila “may awtoridad” ang Estados Unidos sa mga panloob na usapin ng bansa habang “pinananatiling bulag ang mga Pilipino.”

“It was unacceptable and insulting that the ICI, which refused to livestream its hearings for transparency, welcomed a foreign diplomat with open arms,” dagdag ng grupo.

“US interference gusto, transparency and public hearings ayaw?” ani Kabataan Party-list Rep. Renee Co sa kanyang post sa X.

Samantala, tinanong naman ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, “What the hell is the US doing interfering on this matter?”

Ayon kay Anakbayan vice chair Lance Alba, tila nagkaroon ng akses ang US envoy sa imbestigasyon habang ang mga Pilipino ay “left in the dark.”

“Ano bang papel niya diyan?” aniya sa X.

Nilinaw naman ni Hosaka na walang napag-usapang tulong o interbensyon mula sa embahada, lalo na sa usapin ng dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na kasalukuyang nasa Estados Unidos para umano sa “medical treatment.”

“Wala namang ganung napag-usapan. Ang gusto lang nilang malaman ay ano yung ginagawa, para bang getting to know,” paliwanag ni Hosaka.

Si Co ay pinaniniwalaang nananatili pa rin sa abroad at hindi pa humaharap sa ICI sa kabila ng subpoena kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa flood control fund insertions sa nakaraang pambansang budget. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here