MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na ang naging pagbisita ni US Embassy Acting Deputy Chief of Mission Michael Kelleher sa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), araw ng Lunes ay isa lamang courtesy call.
Tinanong kasi si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung ano ang interest ng Estados Unidos sa imbestigasyon ng flood control projects.
”Nagkausap po kami mismo at tinawagan po natin si Atty. (Brian Keith) Hosaka at tinanong po natin kung ano iyong kanilang naging usapan. According to him, nagkaroon lang daw po ng courtesy call at inalam lang po kung ano iyong mandato ng ICI. Just courtesy call,” ang sinabi ni Castro.
Aniya pa, tinanong ni Kelleher ang methodology ng body sa imbestigasyon.
Samantala, nakipagpulong si Kelleher sa ICI noong nakaraang linggo. Hindi naman tumanggap ng anumang tanong si Kelleher mula sa mga mamamahayag sa panahon ng kanyang pagbisita. KRIS JOSE