Mainit ang naging pagbubukas ng unang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas nitong Hulyo 7, matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan hinggil sa agarang pagtalakay ng panukalang bagong Internal Rules of Procedure (IRP) na inihain ni 6th District Board Member Bibong Mendoza.
Sa halip na agad itong isalang sa deliberasyon, iminungkahi ni Vice Governor Dodo Mandanas, na siya ring presiding officer ng Sanggunian, na idaan muna ang panukala sa Committee on Ethics, Accountability and Good Government upang masusing pag-aralan.
Hindi sumang-ayon dito sina 5th District Board Member Dr. Jun Berberabe at ilan pang miyembro ng Sanggunian, na iginiit na dapat bigyang-pansin ang karapatan ng mga miyembro na magsumite ng mosyon sa plenaryo. “Hindi dapat basta-basta i-deny ng presiding officer ang motion,” pahayag ni Berberabe sa sesyon.
Isa sa mga miyembro ang nagtanong rin kung paano isasagawa ang mga committee hearing nang walang pormal na IRP: “How can we conduct a committee hearing without a formal IRP?”
Bilang alternatibong solusyon, iminungkahi ni BM Fred Corona na gamitin muna ang kasalukuyang IRP na may mga kinakailangang rebisyon upang maipagpatuloy ang mga gawain ng Sanggunian. Sa kabila nito, hindi naging ganap ang agarang pagsang-ayon ng presiding officer sa nasabing mungkahi.
Sa gitna ng diskusyon, may mga pangamba at ispekulasyon mula sa ilang sektor na may posibleng epekto sa balanse ng kapangyarihan sa loob ng Sanggunian.
Gayunpaman, nananatiling bukas ang proseso sa loob ng plenaryo para sa mga susunod na deliberasyon hinggil sa IRP at iba pang mga panukala. RNT