MANILA, Philippines – Minaliit ng Malakanyang ang pagbaba ng trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa ulat, bumaba sa 43% ang trust rating ng Pangulo para sa buwan ng Setyembre, mula sa 48% noong Hunyo, o isang pagbaba ng 5 percentage points.
Sa pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi nitong hindi nababahala ang Malakanyang sa pagbaba ng numero, at nakatuon pa rin ang Pangulo sa kanyang trabaho para labanan ang korapsyon at itaas ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa gitna ng mga kalamidad.
“Hindi man niya alintana ang numero sa mga survey, ikinalulugod niya na nararamdaman ng mga kababayan natin na ang Pangulo at ang gobyerno ay nandiyan para sa kanila,” dagdag ni Castro. Binanggit din niya na mismong si Pangulong Marcos ang nagpasimula ng imbestigasyon kaugnay sa anomalya sa flood control projects.
Sa parehong survey, lumabas din na 50% ng mga respondent ang sang-ayon na dapat papanagutin si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa pagkasawi ng mga nasangkot sa war on drugs, habang 32% ang hindi sang-ayon, 15% ay undecided, at 4% ang hindi nagbigay ng sagot.
Pinakamataas ang “support for accountability” sa Visayas (54%), sinundan ng Metro Manila (53%), Balance Luzon (52%), at Mindanao (39%).
Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 24 hanggang 30, 2025, kasunod ng kapasiyahan ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang request ng kampo ni Duterte para sa interim release, at nagpapatuloy ang detensyon ng dating Pangulo upang matiyak ang kanyang pagdalo sa trial at maiwasan ang posibleng paghadlang sa imbestigasyon. Kris Jose/Meliza Maluntag