MANILA, Philippines – Kinondena ng gobyerno ng Estados Unidos ang pinakabago at pinakamapanganib na aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang kalatas, sinabi ni US Department of State Principal Deputy Spokesperson Thomas Pigott na muling pinagtibay ng Washington ang commitment ng DC sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at inulit ang pagpapalawak ng saklaw nito sa armadong pag-atake sa anumang Philippine vessel, kabilang na ang Coast Guard, sa alinmang bahagi ng South China Sea.
“We stand with our Philippine allies as they confront China’s dangerous actions, which undermine regional stability,” ayon kay Pigott.
“China’s sweeping territorial and maritime claims in the South China Sea and its increasingly coercive actions to advance them at the expense of its neighbors continue to undermine regional stability and fly in the face of its prior commitments to resolve disputes peacefully,” aniya pa.
Nauna rito, mariing kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang pinakahuling pagkilos ng pananalakay ng China Coast Guard (CCG) at mga maritime militia vessel nito laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng territorial sea ng Pag-asa (Thitu) Island.
Maghahain ang Maynila ng isa pang diplomatikong protesta laban sa Beijing at sinabihan ito na maging tapat sa mga pahayag nito ukol sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtigil sa mga agresyon nito.
Sa isang pahayag noong Linggo, tinawag ng National Maritime Council (NMC) na “grave concern” para sa bansa ang “illegal and reckless actions” ng CCG sa karagatan ng Pag-asa Island.
Ang NMC ay interagency body na nilikha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 2024 upang palakasin ang maritime security ng Pilipinas at pataasin ang maritime domain awareness ng mga Pilipino sa gitna ng mga agresibong taktika at pagbabanta ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa NMC, bandang 8:15 a.m. noong Linggo, tatlong sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang 30-meter BRP Datu Pagbuaya, ang nakaangkla malapit sa Pag-asa Island upang tulungan ang mga mangingisdang Pilipino sa ilalim ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM), nang magsagawa ng mapanganib na approach ang mga sasakyang pandagat ng CCG at maritime militia ng China.
Pagsapit ng 9:15 a.m., sa loob ng territorial sea ng Pag-asa Island, direktang nagpaputok ng water cannon ang CCG vessel na may bow number 21559 sa BRP Datu Pagbuaya at sinadyang binangga ang hulihan nito, na nagdulot ng kaunting pinsala ngunit walang nasaktan sa mga tripulante.
Nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas na ang Pag-asa Island ay teritoryo ng bansa bilang bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG) ng lalawigan ng Palawan. (Kris Jose)